Pansit-Bihon

Palagi sa aming agahan,
minsan ay hanggang hapunan.
Masarap naman, lalo na kung may sahog,
ang mahalaga'y busog.

Ika’y masisiyahan nga ba miminsan,
kung kape at tinapay
ang siyang almusal?
Mas maayos pa rin 'yon
kaysa hangin at laway.

Salat, ngunit pilit nagpapasalamat,
naitatawid ang araw,
malinamnam man o maalat
bato man o may kaunting sabaw.

Walang karapatang magreklamo,
pagtitiis ay tinatago.
Hindi uso ang maghanap,
prebilehiyo ang pumili at masarap.

Salamat, Ina, sa pagkain,
kahit sakit sa tiyan ay pilit tinitiis.
Wala rin namang magagawa ang pag-ayaw,
kung kapalit ay gutom sa araw.

Mahirap sabihin na masakit
kung makikita mo sa kanya ang pait.
Ngiti ka na lang at namnamin
wag nang dumagdag sa alalahanin.

Comments

Popular posts from this blog

i hope this message finds you well

Sixth Month

Pisces